Nasagip ng mga awtoridad sa Bulacan ang tatlong Chinese POGO workers na dinukot para ipatubos sa kanilang mga kaanak. Binunutan pa ng mga kuko ang mga biktima para mapuwersa ang kanilang mga kaanak na magbayad ng ransom.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nasagip ang mga Chinese POGO worker noong Nobyembre 10.
Nadiskubre ng PNP Anti-Kidnapping Group o AKG ang vise grip pliers at martilyo na ginamit sa pagpapahirap umano sa mga biktima.
“Mayroon din tayong hammer and pliers na pinangbunot ng kuko nitong victims. Ginamitan siya ng pliers kasi may na-retrieve kaming pliers at may mga dugo na nakakalat doon sa floor,” sabi ni Police Brigadier General Cosme Abrenica, Chief ng PNP-AKG.
Ayon pa sa PNP-AKG, karaniwang paraan ng mga Chinese kidnapper ang pag-torture sa kanilang mga kidnap victim para mapilitan ang mga kamag-anak na magbayad ng ransom.
Umaabot sa 10,000 USDT o cryptocurrency ang ransom demand ng mga salarin.
Bukod dito, pinadalahan pa umano ng mga larawan at video ang mga kamag-anak ang mga biktima na naka-posas at takip sa mata.
“Ito pong isang ginagawa ng kidnappers para makapag-demand ng pera. Ipinakikita nila na sinasaktan nila ang mga victim,” sabi ni Abrenica.
Nadakip sa rescue operation, ang dalawang Chinese kidnapper umano, na nasampahan na ng reklamong kidnapping, serious illegal detention at illegal possession of firearms.
Sinusubukan pa na ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng mga suspek.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may mga kasama pa sila o kung may kaugnayan sila sa iba pang kidnapping case.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News