Nasawi ang isang lalaking senior high school student sa Rodriguez, Rizal matapos umanong bugbugin at sakalin ng pamilya ng kaniyang kasintahan na tutol sa kanilang relasyon. Ang babae raw kasi, naipagkasundo na ng pamilya sa iba.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing sinampahan na ng reklamo ang mga kaanak ng nobya ng biktima.
Nitong October 29 nang umalis ng bahay ang 16-anyos na biktima na Grade 11 student na si Ronald John Delgado. Nagpaalam siya na gagawa ng school project kasama ang girlfriend, na kaniya ring kaklase at kaedad.
“Hiniram pa niya ‘yung cellphone ko, tapos sabi niya, saglit lang daw po siya,” ani Raquel Delgado, ina ng biktima.
Pero umabot na ng hatinggabi ay hindi pa rin siya umuuwi. Tinatawagan umano nila ang cellphone na kaniyang dala pero out of coverage area na raw.
Nitong October 30 ng umaga, natagpuang patay si Ronald at nakagapos sa tabing kalsadang sakop ng Sitio Calumpit Barangay Macabud, Rodriguez, Rizal.
Base sa death certificate ni Ronald, pinatay siya sa pamamagitan ng pagsakal.
“Sobrang sakit, ang sakit-sakit, kasi nag-iisa kong anak na lalaki yan e. Kung namatay lang 'yan sa sakit, okay lang. Pero ‘yung ginawa, karumal-dumal. Sinakal siya, binugbog, pasa-pasa ‘yung mukha,” ani Raquel.
Pinuntahan ng mga pulis at mga kaanak ni Ronald ang bahay ng kasintahan upang magtanong.
“During our follow up investigation and operation, pinuntahan namin sa bahay, subalit umalis na po sila sa kanilang tahanan,” ani Police Lieutenant Colonel Arnulfo Selencio, Chief of Police, Rodriguez, Rizal.
“Sarado na ang bahay, naka-padlock na, wala na. Tatlong pamilya sila na naka-padlock na, wala na,” dagdag ni Raquel.
Apat na testigo ang nagbigay ng salaysay at dito nabuo ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen.
“Ang nakikita po namin motibo [rito] ay ang pamilya [ng suspek] ay gustong paghiwalayin ang anak nila doon sa biktima po,” ani Selencio.
“Ang nakikita po motibo dito po sa pagpatay sa ating biktima ay galit. Ito po biktima ay meron girlfriend, na minor. Base sa salaysay ng mga witnesses ay nalaman ang kanyang pakikipagrelasyon sa ating biktima,” ani Police Captain Marisol Tactaquin, Public Information Office Chief, Rizal Province.
Ayon sa kuwento ng mga testigo sa pulisya at sa pamilya ng biktima, kontra raw sa pag-iibigan nina Ronald at kanyang kasintahan ang pamilya nito.
“’Yung babae raw kasi, naka-arrange marriage na, parang edad na lang babae, para ibigay na siya dun sa (lalaking) ipapakasal,” anang kapatid ni Ronald na si Rachel.
Bago raw matagpuang patay si Ronald, nakapag-chat din daw ang girlfriend nito sa kanilang mga kaibigan at sinabing sunduin daw si Ronald sa kanilang bahay dahil may problema.
“Sabi niya, puntahan niyo dito si Ron, kasi nahuli kami ng kuya ko, sabi niya baka bugbugin,” ani Raquel.
Ngayong araw ay inihain na ang reklamong murder laban sa isang grupo ng mga personalidad na uamno’y puro ka-anak ng kasintahan ng biktima.
“Sa ngayon sir, meron tayong isang pamilya na sasampahan ng demanda, kung maaari, sa ngayon po hindi na muna namin babanggitin ang mga pangalan nila. Kami po’y nananawagan na kung maaari po sana ay sumuko na po kayo sa mga awtoridad nang sa ganun, mabigyang linaw ang pangyayari, ang pagkamatay ng isang batang biktima,” mensahe ni Selencio.
Kasama rin sa ipinagharap ng demanda ang kasintahan ng biktima, na hindi na rin makita.
“Dahil siya po ang huling nakasama ng ating biktima, ikinu-consider din siya po [na kasuhan],” ani Police Captain Tactaquin.
“Kung mahal mo talaga ang kapatid ko please, sabihin mo na yung totoo, hindi naman kami magagalit e, magpakita ka lang gusto lang talaga namin ng hustisya,” dagdag ni Rachel. -- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News