Patay ang isang 12-anyos na batang lalaki sa Lamitan, Basilan matapos tagain umano ng kaniyang sariling lola.

Natagpuan ang bangkay ng bata sa kagubatan sa Barangay Bohesapa noong Biyernes ng gabi, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, base sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao.

Nakatali ang mga kamay ng biktima at may sugat sa iba't ibang parte ng katawan.

Narekober din sa crime scene ang isang bolo.

"'Yung assessment namin, bale nakatalikod 'yung bata, tapos nu'ng tinaga niya sa ulo, atsaka niya itinali sa puno ng marang. After that, pinagtataga niya ang bata," ani Police Lieutenant Colonel Arlan Delumpines, chief ng Lamitan City Police.

Base sa imbestigasyon, kasama ng lola ang bata para mamulot ng nahulog na bunga ng niyog sa kagubatan.

Subalit pag-uwi ng lola ay hindi na niya kasama ang bata.

"Bago makita ang bangkay ng anak ko, nag-amin siya sa barangay captain namin. 'Yung galit, nandiyan na. 'Yun na lang magagawa ko, umiyak, sumigaw, magtanong, bakit nangyari 'yun. After all, napakabuti namin sa kanya," ani ina ng biktima.

Ayon sa mga pulis, may problema sa pag-iisip ang suspek.

Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek at mahaharap sa kaukulang kaso. —KG, GMA Integrated News