Iniimbestigahan ng Department of Education (DepEd-Region 7) ang viral video na nahuli-cam ang suntukan ng ilang estudyante sa loob ng silid-aralan sa Jagobiao, Mandaue City sa Cebu.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, makikita sa video na iniuntog sa blackboard ng isang lalaking mag-aaral ang isang babaeng estudyante.
Nasundan ito ng pagsugod ng isang lalaking estudyante sa lalaking mag-aaral na nanakit sa babae, at doon na nangyari ang suntukan.
Naganap ang insidente noong Lunes sa loob ng silid-aralan habang walang guro dahil naka-emergency leave.
Ipinatawag na ng pamunuan ng paaralan ang mga high school student na sangkot sa kaguluhan, gayundin ang kanilang mga magulang para alamin ang dahilan ng away at mapag-ayos sila.
Ayon kay Rene Petancio, head teacher, hindi magkakasabay na ipinatawag ang mga estudyante at mga magulang ng mga bata upang maiwasan na magkainitan ang mga magulang.
Sinabi umano ng ama ng babaeng estudyante na 17-anyos, na dating nobyo ng kaniyang anak ang lalaking nanakit na 19-anyos.
Selos umano ang dahilan kaya sinaktan ng lalaki ang kaniyang anak.
Desidido ang ama na sampahan ng kaso ang estudyanteng nanakit sa kaniyang anak.
Wala pang pahayag ang ibang sangkot sa gulo, habang magsasagawa ng imbestigasyon sa DepEd Region 7, gayundin ang kapulisan.
Sinubukan na kunan ng pahayag ang lalaking estudyante na nanakit sa babae pero wala umano ito sa bahay nang puntahan ng GMA Integrated News. -- FRJ, GMA Integrated News