Patay ang isang radio anchor matapos siyang pagbabarilin habang siya ay nagla-live broadcast sa Misamis Occidental nitong Linggo ng umaga.
Nakilala ang biktima na si Juan Jumalon, 57, na kilala rin bilang "Johnny Walker", ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.
Ayon sa inisyal na impormasyon galing sa Philippine National Police sa Camp Crame, nangyari ang insidente nitong 5:30 ng umaga habang umeere ang programa ni Jumalon sa 94.7 Calamba Gold FM mula sa kanyang home-based radio station sa Barangay Don Bernardo A. Neri sa bayan ng Calamba.
Dumating ang suspek sa istasyon at sinabing may mahalaga siyang anunsiyo na sana ay maiere sa radio program.
Subalit agad pinaputukan ng baril ng suspek si Jumalon nang malapitan at natamaan ang kanyang labi hanggang sa likod ng kanyang ulo.
Itinakbo si Jumalon sa Calamba District Hospital ng kanyang pamilya ngunit siya ay idineklarang dead on arrival.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matunton ang pagkakilanlan ng suspek pati na ang motibo sa krimen.
May inilagay na na mga checkpoint at may ikinasa nang dragnet operation para mahuli ang suspek.
Ayon sa Police Regional Office 10, magkakaroon ng special investigation task group (SITG) para tumutok sa kaso ng pagpatay kay Jumalon.
“We are now actively conducting a thorough investigation to identify the perpetrators of this crime and bring them to justice. A [SITG] will be created to spearhead and coordinate the investigative efforts to facilitate the speedy resolution of the case,” ani PRO10 acting regional director Police Brigadier General Ricardo Layug Jr.
Samantala, kinondena ni Presidente Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagpatay sa mamahayag at inutusan ang PNP na imbestigahin ang krimen.
“Ang ganitong walang kabihasnang pag-atake sa ating mamamahayag ay walang lugar sa isang demokratikong bansa,” ang sabi ng Presidente.
Kinondena rin ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang insidente.
“The attack is even more condemnable since it happened at Jumalon's own home, which also served as the radio station,” ani NUJP sa isang statement.
Ito raw ang ika-199 na pagpatay sa isang journalist mula 1986, at ikaapat sa termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“The killing also comes in the same week as the International Day to End Impunity For Crimes Against Journalists,” dagdag nito. —KG, GMA Integrated News