Isang bata ang nasawi, habang inoobserbahan naman sa ospital ang isa niyang kalaro makaraang malason umano ang dalawa sa kinaing bunga ng "wild grass" sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon, napag-alaman na dalawang-taong-gulang lang ang biktimang nasawi, habang pitong-taong-gulang ang kaniyang kalaro na dinala sa ospital.

Sa paunang imbestigasyon na ginawa ng City Health Office, lumitaw na nakita umano ng ibang kalaro ng dalawang biktima na pinaglaruan hanggang sa kainin ang bunga ng wild grass na nakatanim sa lugar.

Ayon kay Chary Banlaoi, hepe ng Sanitation Office, San Carlos CHO, hindi pa matukoy kung anong klase ang bunga o halaman na nakain ng mga biktima kaya patuloy pa ang imbestigasyon.

Inilarawan ng nagdadalamhating ina na si Jessica Dela Cruz, na malambing at masayahin ang pumanaw niyang anak.

Gayunman, ang lola ng biktima, nagdududa kung ang bunga ang nakalason sa kaniyang apo. Hinala niya, ang tubig na galing sa refilling station ang nakalason at nakapatay sa biktima.

Nakita raw niyang uminom ng tubig ang kaniyang apo at nagsuka.

Pero itinanggi ng manager ng water refilling station na si Dionisio De Vera, ang alegasyon na tinawag niyang paninira.

Aniya, kung may lason ang tubig, bakit ang bata lang ang naapektuhan. Iginiit din niya na sumasailalim sa quality test ang kanilang tubig.

Inihayag din ng CHO na regular ang isinasagwang pag-test sa mga water refilling station sa lungsod. Gayunman,  kumuha na sila ng sample ng tubig nina De Vera para masuri bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon sa nangyari. --FRJ, GMA Integrated News