Ilang insidente ng kaguluhan ang naiulat sa iba't ibang lugar sa bansa kaugnay ng ginanap na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong Lunes, Oktubre 30, 2023.
Sa Lanao del Norte, isang poll watcher umano ang sinuntok ng isang lalaki sa labas ng polling center.
Dalawa naman ang inaresto sa Puerto Princesa, Palawan matapos sumugod sa dalawang polling precincts at nanira ng mga balota na hindi pa nagagamit, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
“Dalawa lang ang pumasok at pinagpupunit, pinagsisira, pinag-aagaw sa mga guro natin 'yung mga balota. Siyempre, natakot 'yung mga guro natin. 'Yung mga pulis kasi malayo at di kalapit sa eskwelahan dahil sa policy natin,” sabi ni Comelec Chairperson George Garcia sa ambush interview.
“Naging alerto ang mga kababayan natin. Dalawa ang kaagad dinala sa police station at inaalam po kung ito ay isang plano ng isang buong grupo o plano ng mga kandidato,” dagdag niya.
Ilang aberya naman ang naitala ng Comelec sa ilang polling precincts sa Dagupan City, Pangasinan dahil may mga botante na nahirapang hanapin ang kanilang pangalan sa listahan.
May listahan din na baliktad ang pagkakalagay.
Sa Baguio City, isang 46-anyos na guro na miyembro ng electoral board ang nasawi matapos na matapos maatake sa puso sa loob ng voting center.
Isang insidente naman ng pamamaril ang naganap sa Cotabato-Shariff Aguak Road sa Barangay Bugawas sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ayon sa paunang report ng Philippine National Police (PNP), dalawang tao ang iniulat na nasawi samantalang hindi bababa sa apat ang sugatan sa insidente. —Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
Alamin DITO ang GMA News Online's live updates ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE 2023).