Umabot sa 292 na mga kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa lalawigan ng Abra ang umatras, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na bumisita sila ni Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia sa lalawigan nitong Linggo para personal na alamin ang sitwasyon doon.
“We were personally briefed together with the Comelec chairman doon. And we itemized iyong mga nag-withdraw na candidates. Actually a total of 292 iyong nag-withdraw doon,” sabi ni Acorda.
Inilatag umano ng PNP ang mga kailangan na hakbang para mabilis na makatutugon ang mga awtoridad kung sakaling magkakaroon ng security-related concerns.
Una rito, sinabi ni Acorda na ilan sa mga kandidato ang umatras sa pagtakbo dahil sa umano'y natanggap na pagbabanta.
Bukod sa mga kandidato, mayroon ding mga guro ang umatras para magsibling electoral board members sa Abra.
Ayon kay Acorda, itinalaga ang 39 police personnel bilang mga pamalit na poll workers.
Nagdagdag ng 352 pulis ang PNP sa Abra na mula sa ibang lalawigan. —FRJ, GMA Integrated News
Alamin ang LIVE UPDATES ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE 2023) ng GMA News Online.