Patay ang isang 34-anyos na tricycle driver matapos siyang banggain ng kasunod niyang kotse sa Lemery, Batangas. Ang driver ng kotse, sinumpong umano ng epilepsy habang nagmamaneho.
Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Sabado ng umaga sa bahagi ng Barangay Bukal.
Sa kuha ng CCTV camera na nakuha ng Lemery Police, makikita na dire-diretsong tinumbok ng kotse ng suspek ang umaarangkadang tricycle sa harapan niya na sakay naman ang biktima.
Pagkabangga ng kotse sa hulihang bahagi ng tricycle, tumilapon pa ang biktima.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Reulito Fronda, hepe ng Lemery Police station, na idinahilan ng driver ng kotse na sinumpong siya ng epilepsy habang nagmamaneho.
"Ayon po sa kaniya siya po diumano ay inabot ng kaniyang history ng sakit na epilepsy. Hindi po natin malinaw kung 'yon nga po ang totoong nangyari kasi duktor lang naman po yung makapagsasabi," ayon Fronda.
Dagdag pa niya, "Ayon po naman sa duktor na maaari din po na medyo naka-idlip siya [suspek] dahil yung gamot po na iniinom para doon sa kaniyang [sakit] ay medyo nakakapagpa-antok,"
Sinusubukan pang mahingan ng pahayag ang pamilya ng biktima at driver ng kotse na nasa kostudiya ng pulisya, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News