Patay ang isang kandidato sa pagka-kagawad ng barangay, habang sugatan ang kasalukuyang barangay chairman sa insidente ng pamamaril sa Masbate.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente nang mapadaan ang grupo ng mga kandidato sa lugar ng isa pang kandidato habang nangangampanya para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Kinilala ang nasawi na si Juvy Pintor, habang sugatan naman si Joseph Martines, na incumbent barangay chairman.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nag-ugat ang insidente nang mapadaan sa lugar ng kalabang kandidato ang pamangkin ni Martines at binugbog umano sa Barangay Maingaran sa Masbate City.
Kinumpronta umano ni Martines ang pamilya ng bumugbog sa kaniyang pamangkin. Sumama naman sa kaniya si Pintor at nauwi sa pamamaril ang insidente.
Suspek sa krimen ang anak ng kandidatong barangay chairman, na makakalaban ng asawa ni Martines.
Umaawat lang umano sa gulo ang nasawing si Pintor nang mangyari ang pamamaril.
“Hindi inaasahan 'yun, sir. Napadaan lang 'yung grupo nila kasi nangampanya,” sabi ni Masbate City Police Station Chief Police Lieutenant Colonel Ariel Neri.
“Nagkataon na nandoon din si incumbent barangay captain. Eh 'di nag-usap, sa madaling sabi, mainitan kaagad ang usapan. Parang ganun. Kaya 'yung mga supporter dun mismong nagsuntukan. Komosyon, then 'yun na maya-maya may pumutok na,” dagdag niya.
Sa kabila nito, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na hihintayin muna ang ulat ng isang board na naatasan para i-validate kung idedeklarang election-related violence ang nangyari.
Samantala, tumaas naman sa 361 ang mga barangay na nasa ilalim ng ‘red’ category ng PNP noong Octobr 20 mula sa 242 noong October 4.
Kabilang dito ang Barangay Libon sa Albay na isinailalim na sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec) at gaya ng Negros Oriental.
“Dahil nga sa pangyayari noong Agosto kung saan may nagbuwis ng buhay na isang kandidatong barangay chairman at isang kagawad incumbent na isang linggo lang ang pagitan nang kanilang pagkamatay at dahil din sa presensya nung private armed groups,” ayon kay Comelec Chairperson George Garcia.
Gaganapin ang 2023 BSKE sa October 30. -- FRJ, GMA Integrated News