Nais umanong magreklamo sa Land Transportation Office (LTO) ang mag-inang nasagi ng isang van na hindi tumigil para magbigay-daan sa mga taong tumawid sa pedestrian lane sa Baguio City.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Session Road na tumigil na ang ibang sasakyan para makatawid ang mga tao sa pedestrian lane.
Pero isang itim na van ang nagtuloy-tuloy sa arangkada at nasagi ang mag-inang tumatawid. Mabuti na lang at hindi malubha ang tinamo ng mga biktima na kaagad nagsumbong sa pulis.
Kinalaunan, nahuli ang van nang tumigil sa isang bus station at napag-alaman na tourist van na mula sa Bataan.
Bagaman nagkausap na umano ang magkabilang panig, nais pa rin ng mag-inang biktima na magreklamo sa LTO para matanggalan ng lisenya ang driver ng van.
Natiketan naman ang driver dahil sa ginawang paglabag sa batas trapiko. --FRJ, GMA Integrated News