Nagbabala sa publiko ang Simbahang Katoliko ng Cebu laban sa kumakalat at ibinebenta online na mga imahe ng hubad na Santo Niño na sinasabing pampasuwerte at gayuma.

Sa ulat ni John Kim Bote ng Super Radyo Cebu sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkues, sinabi nito na may mga social media post sa pagbebenta ng naturang imahe ng Santo Niño na ginawang background ang Basilica Minore del Santo Niño de Cebu.

Batay sa mga post, sinasabing may dalang suwerte sa negosyo ang imahe at puwede ring gamitin bilang gayuma para makuha ang loob ng babae.

Kasabay nito ang paghikayat sa mga makakakita sa post na bumili o umorder.

 

 

Pero paglilinaw ng pamunuan ng Basilica, hindi nila sinusuportahan ang kumakalat na post at pagbebenta ng naturang imahen.

Kasabay nito, nilinaw at itinanggi rin ni Cebu Archbishop Jose S. Palma na nagbasbas siya ng mga imahe ng nakahubad na Santo Niño gaya ng nais din palabasin sa ibang post sa social media.

"Wala akoy gibenditahan nga hubad nga Snr. Sto. Niño, ug ang gisulti (sa nikatag nga video) dili tinuod," ayon sa anunsyo ni Archbishop Palma. --FRJ, GMA Integrated News