Sa harap ng maraming tao, binaril at pinatay sa loob ng isang sabungan sa Sorsogon City ang isang lalaki na umano'y dating rebelde na nagbalik-loob sa gobyerno.

Sa ulat ni Cris Nobelo ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia sa GMA News Saksi nitong Martes, makikita sa CCTV footage sa loob ng Guinlajon Cockpit Coliseum sa Barangay Guinlajon, West District, ang biktima na naglalakad.

Maya-maya lang, dalawang lalaki ang sumunod sa kaniya at malapitan siyang binaril sa likod ng ulo.

At kahit nakatumba na, muling pinagbabaril ang biktima bago tumakas ang mga salarin.

Ayon kay Police Captain Estrella Recto, PCR Officer, Sorsogon PPO, na inako ng rebeldeng grupo na Celso Minguez Command ang krimen.

Batay umano sa inilabas na pahayag ng mga rebelde, dati nilang kasamahan ang biktima na kanilang ginantihan dahil sa pagbabalik-loob sa gobyerno.

Hinahanap na ng mga awtoridad ang mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News