Malubha ang kalagayan ng isang 76-anyos na babae matapos siyang barilin sa dibdib ng isang lalaki sa kaniya mismong bahay sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Florida Navarro, residente ng Barangay Naglaoa-an.

Ayon sa mister ng biktima, isang lalaki na sakay ng motorsiklo ang dumating sa kanilang bahay at nagpakilalang kukuha ng inorder na rabbit o kuneho.

Pero bigla na lang umanong binaril ng suspek ang ginang na tinamaan sa dibdib at tumagos ang bala sa tagiliran.

Isinugod si Navarro sa ospital, habang nakatakas naman ang salarin.

Wala raw maisip na dahilan ang pamilya sa posibleng motibo sa krimen.

Umaasa ang pulisya na makakaligtas ang biktima sa pag-asang baka kilala ni Navarro ang bumaril sa kaniya.

"Nagpanggap siya na bibili ng rabbit, so hindi natin alam kung dati ba niyang nakilala or talagang nagpanggap lang para doon sa gusto niyang mangyari," ayon kay Police Captain Joseph Bantullay, OIC, Sto Domingo Police Station.

Nagsasagawa rin ng backtracking ang mga imbestigador para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin. --FRJ, GMA Integrated News