Nasawi ang isang 25-anyos na babae sa Talibon, Bohol matapos siyang pasukin sa bahay at saksakin ng kaniyang kapitbahay. Bago ang krimen, pinagalitan umano ng biktima ang suspek dahil sinusundan siya.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, kinilala ang biktima na si Rosanna Amorin, 25-anyos ng Barangay Calituban.

Nadakip naman ang suspek na si Gerald Garcia, 22-anyos, na dati nang nakulong sa kasong pananaksak.

Ayon sa pulisya, madaling araw noong nakaraang Biyernes nang pasukin umano ng suspek ang bahay ng biktima.

Nanlaban ang biktima hanggang sa pagsaksakin siya ng suspek na dahilan ng kaniyang agad na pagkamatay.

Bago ang krimen, kinompronta umano ng biktima ang suspek dahil sa ginagawang pagbuntot sa kaniya.-- FRJ, GMA Integrated News