Arestado ang isang babae matapos niyang tangayin ang isang tatlong buwang gulang na sanggol mula sa isang ospital sa Davao City. Depensa ng suspek, hiniram niya lang ang sanggol at ipinakita sa live-in partner dahil nawalan siya umano ng anak.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing lumabas sa imbestigasyon na manghihingi umano ng breastmilk ang suspek mula sa nanay ng bata.
Ngunit nang kunin ng suspek ang gatas, itinakas niya na rin ang sanggol.
Nadakip ang suspek sa bahay nito sa Davao City at nabawi ang sanggol.
Mahaharap ang suspek sa reklamong kidnapping.
Pinasalamatan ng pamilya ng bata ang pulisya sa mga ginawa nitong hakbang.
Dumepensa naman ang pamunuan ng ospital na wala silang naging pagkukulang at mahigpit ang kanilang seguridad at may CCTV sa kanilang ospital. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News