CALAUAG, Quezon - Patay ang driver at isang pasahero ng isang pribadong van matapos nitong makasalpukan ang isang 10-wheeler delivery van sa Maharlika Highway, Barangay Sta. Maria, Calauag, Quezon nitong Sabado.

Nangyari ang aksidente dakong alas-otso ng umaga.

Base sa report ng Calauag Municipal Police Station, galing sa Tinambac, Camarines Sur ang pribadong van at patungo sana sa Maynila. Patungo naman sa Bicol ang delivery van.

Lumalabas sa imbestigasyon sa nang-agaw umano ng linya ang pribadong van, dahilan para masalpok ng kasalubong na delivery van.

Sa tindi ng salpukan ay wasak na wasak ang pribadong van. Naipit pa sa unahan ang driver nito na kaagad binawian ng buhay. Patay rin ang isang pasahero na nakisakay lang daw sa van. Sugatan naman ang isang babae na asawa ng driver ng van.

Wasak din ang unahan ng delivery van. Nagtamo ng minor injury ang driver nito na ngayon ay nasa kustodiya ng Calauag Municipal Police Station para sa karagdagang imbestigasyon. —KG, GMA Integrated News