Babae, patay sa pamamaril ng umano'y kapitbahay na kaalitan dahil sa tsismis
Patay matapos barilin at tamaan sa mata ang isang babae sa Malasiqui, Pangasinan. Ang suspek sa krimen, ang kapitbahay ng biktima na nakaalitan dahil umano sa tsismis.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Marilou Boquiren Tantay, 32-anyos, ng Barangay Apaya ng nasabing bayan.

Ayon kay Police Captain Maureen Grace Tarlit, PCAD, PCO, Malasiqui Police Station, lumalabas sa imbestigasyon na may alitan ang kinakasama ng suspek at ang biktima dahil umano sa tsismis.

Nakasakay umano sa motorsiklo ang biktima nang harangin ng suspek at barilin, batay sa impormasyon ng nakasaksi sa krimen.

Tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Itinanggi naman ng asawa ng biktima na si Mark Tantay, ang paratang tungkol sa kaniyang pumanaw na maybahay.

Nanawagan siya na mabigyan ng hustisya ang ginawa sa kaniyang asawa. -- FRJ, GMA Integrated News