Dalawang lokal na opisyal ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril na kagagawan ng mga salaring nakasakay sa mga motorsiklo sa Cebu at Bohol.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng Balitang Bisdak sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing binaril at napatay ng riding in tandem sa Barangay Prenza sa Balamban, Cebu noong Huwebes, si Anastacio Pacquiao, 60-anyos.
Si Pacquiao ay kasalukuyang kagawad sa Barangay Cansomoroy, at kandidatong chairman sa darating na Barangay and Sangguniang Kabataang elections.
Ayon sa pulisya, sakay ng motorsiklo si Pacquiao nang barilin siya sa ulo ng mga nakatakas na salarin. Agad na nasawi ang biktima.
Tukoy na umano ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek pero hindi muna sila nagbigay ng detalye habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Samantala, sakay din ng motorsiklo at pauwi na si Danilo Hayag Añora, residente ng Barangay Dait Norte, nang pagbabarilin siya at mapatay ng riding in tandem sa Buenavista, Bohol.
Kasalukuyang konsehal ng nasabing bayan si Añora, at pauwi na noong Biyernes ng madaling araw nang tambangan siya ng mga nakatakas na salarin.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motobo sa krimen. --FRJ, GMA Integrated News