Nasawi ang isang 23-anyos na lalaking kandidato sa pagka-Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa Davao City matapos siyang ma-cardiac arrest habang naglalaro ng basketball.
Sa ulat ni RGil Relator ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, kinilala ang nasawi na si Philip Saladio Jr., residente ng Barangay Tawan-tawan.
Naglalaro si Saladio sa liga ng basketball na bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Barangay Malagos nang mangyari ang hindi inaasahan.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita si Saladio na biglang napaluhod at sumubsob na lang sa sahig matapos niyang ipasa ang bola.
Agad na itinigil ang laro para tingnan ang wala nang malay na si Saladio. Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay dahil umano sa cardiac arrest.
Nanonood nang sandaling iyon ang mga magulang ni Saladio na hindi inasahan ang nangyari sa anak dahil hindi nila alam na maysakit ito.
"Hindi nga ako agad lumapit kasi akala ko natisod lang siguro," sabi ng ina na si Melanie.
Kahit hindi pa SK chairman, sinabi ng ama ni Saladio na si Philip Sr., na marami nang nagawa at natulungan ang kaniyang anak sa kanilang barangay. -- FRJ, GMA Integrated News