Nasawi kalaunan ang isang 22-anyos na rider matapos siyang magulungan ng mixer truck sa Panabo, Davao del Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang One Mindanao, na iniulat din ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Ralph Pama, na mapapanood sa video na nakahiga pa sa ilalim ng mixer truck.

Isinalaysay ng pulisya na kumanan ang driver ng truck na si Neonilo Pagkas, ngunit hindi napansin ang motorsiklo na nasa blind spot nito.

Ilang saglit pa, nabangga na ng truck si Pama.

Isinugod sa ospital ang biktima ngunit nasawi kinaumagahan dulot ng internal complications.

Nangako ang kumpanyang may-ari ng mixer truck na tutulong sa pagpapalibing sa rider.

Hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya ng biktima. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News