Nasa kritikal na kondisyon ang isang pitong taong gulang na lalaking estudyante matapos siyang masagasaan ng SUV habang tumatawid sa Tabaco, Albay.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood sa CCTV ang pagtawid ng dalawang batang estudyante sa pedestrian lane habang maluwag pa ang daan.

Pagkarating nila sa gitna ng kalye, isa sa kanila ang nasagasaan ng SUV.

Tumilapon ang biktima sa lakas ng pagkakabangga.

Sinabi ng ina ng biktima na bukod sa kritikal, nakararanas din ng matinding trauma ang bata.

Sinisi rin ng ina ng bata ang nakaparadang puting van sa pedestrian lane kaya hindi nakita ng driver ng SUV ang mga bata.

Siniguro ng nakabanggang driver na magpapaabot siya ng tulong sa pagpapagamot sa bata.

Nakatakda ring mag-usap ang mga barangay official at pamunuan ng paaralan upang maiwasan na ang mga susunod na insidente. — Jamil Santos/ RSJ, GMA Integrated News