Nasawi ang isang limang taong gulang na lalaki matapos siyang gilitan umano ng kaniyang 22-anyos na pinsan sa Iriga, Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya tungkol sa motibo sa krimen.

Tinitingnan din kung gumagamit ng ilegal na droga ang salarin.

“Walang provocation sa part ng bata. Para raw kasing may boses na nagsasabi sa kaniya na kailangan niyang pumatay ng tao para raw magkaanak siya,” sabi ni Police Captain Bella Cerno, spokesperson ng Iriga City Police Station. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News