Patay ang isang motorcycle rider matapos na tumilapon at magulungan ng truck sa Davao City.

Ayon sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, dead-on-the spot ang 28-anyos na biktima na si Ariel Peligro.

Sa kuha ng dashcam ng isang sasakyan, makikita na mabilis ang takbo ng biktima.

Pero bumangga siya sa center island kaya tumilapon sa kalsada.Doon na siya nahagip ng truck at nakaladkad pa ng 10 metro.

Ayon sa pulisya, walang balak magsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima laban sa driver ng truck.

Makikita naman umano sa video na hindi sinasadya ng driver na masagasaan ang biktima. -- Jiselle Anne Casucian/FRJ, GMA Integrated News