Patay ang isang pulis matapos siyang sumalpok sa nakasalubong na pick-up truck sa Bantay, Ilocos Sur. Ang pick-up, bumangga pa ulit sa isang trailer truck.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Police Staff Master Sergeant Romualdo Piamonte Jr., 46-anyos.
Sa kuha ng CCTV camera sa national highway sa Barangay Puspus, makikita ang motorsiklo ng biktima na wala sa tamang linya ng kalsada at sumalpok sa kasalubong na pick-up truck.
Ang pick-up truck muling bumangga sa paparating na trailer truck.
Nasawi si Piamonte, habang sugatan ang driver ng pick-up truck na ilang minutong naipit sa sasakyan bago nadala sa ospital.
"Base sa CCTV, mag-o-overtake sana itong motor [ng biktima]," sabi ni Police Major Pol Areola, hepe ng Bantay Police Station.
Ayon sa pulisya, hindi pa nagkakausap ang mga nasangkot sa aksidente.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang pamilya ng nasawing pulis.-- FRJ, GMA Integrated News