Nagtamo ng pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang 19-anyos na lalaki matapos umanong bugbugin ng isang pulis sa Asuncion, Davao Del Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Michael Villarosa, na nagtamo ng mga pasa sa batok, likod at binti.
Ayon kay Villarosa, nilapitan siya ni Police Corporal Marjun Pantonial habang nasa peryahan.
“Akala ko makikipag-usap lang siya. Hindi ko rin namalayan na pulis pala siya kasi hindi siya naka-uniporme. Pinadapa niya ako sa lupa saka pinalo ng malaking kahoy,” sabi ni Villarosa.
Matapos nito, isinakay ang biktima kung saan may apat pang pulis, at dinala siya sa Asuncion Municipal Police Station. Doon siya pinagbubugbog ulit ni Pantonial.
Lumabas sa imbestigasyon na may alitan sina Villarosa at Pantonial.
“Nagkataon lang na nagkita sila sa Barangay Gym. Allegedly, lasing ang pulis at pinagbubugbog niya umano ang lalaki,” sabi ni Police Major Catherine Dela Rey, spokesperson ng PRO 11.
Sinubukan ng GMA Regional TV One Mindanao na kunin ang panig ng pulis ngunit hindi na ito pinakausap ng mga awtoridad.
Isinailalim sa restrictive custody ang pulis, na isinuko ang kaniyang armas.
Plano ng pamilya ng biktima na magsampa ng reklamo laban sa pulis. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News