Itinumba sa gitna ng kalsada ang isang 40-anyos na tindero ng prutas matapos siyang pagbabarilin sa Tiaong, Quezon. Ang suspek, dati na umanong may galit sa biktima dahil sa maingay ang tricycle nito.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang biktima na Christopher Magbayao, na tinambangan sa Barangay Lalig.
Maghahatid umano ng panindang rambutan ang biktima nang pagbabarilin siya sa ulo at katawan ng suspek na si Ryan dela Rosa.
Natukoy si dela Rosa na suspek sa krimen matapos na mahagip siya sa CCTV camera habang sakay ng motorsiklo makaraang pagbabarilin ang biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na magkabarangay ang dalawa at matagal nang naiinis ang suspek sa biktima dahil sa maingay nitong tricycle.
"Habang nag -iinuman po yung ating suspek at yung kaniyang mga pinsan, dumaan itong si victim, naka-tricycle, nagpa-bomba na naman ng tambutso. Sabi nung suspek, hindi ko na mapapalampas ito kaya hinabol niya," ayon kay Police Lieutenant Colonel Marlon Cabatana, hepe ng Tiaong Police Station.
Hindi nagpaunlak ng panayam ang suspek sa media pero sinabi ng pulisya na inamin umano nito ang ginawang pagpatay sa biktima.-- FRJ, GMA Integrated News