Nasawi ang isang lalaking 13-taong-gulang matapos siyang pagbabaril habang nagtitinda ng balut kasama ang kaniyang ina sa Pangasinan. Ang biktima, posibleng napagkamalan umano.

Sa ulat ni Russel Simorio ng One North Central Luzon sa GMA News "24 Oras"nitong Martes, kinilala ang biktima na si Charles Edward Serquiña, bunso sa magkakapatid, at residente ng Barangay Puelay sa Villasis, Pangasinan.

Nagtitinda umano ng balut si Charles kasama ang kaniyang ina na si Carina malapit sa lamay nang mangyari ang krimen.

Ayon kay Carina, nagpaalam siya sa anak na iidlip sandali nang dumating ang mga salarin sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang kaniyang bunso.

Inilarawan ng ginang na mabait at masipag na bata si Charles. Wala raw alam ang pamilya na may nakaaway ng biktima kaya hinihinalang napagkamalan lamang siya ng mga salarin.

“Doon ang pinupuntahan ng investigation namin kasi itong biktima ay considering minor, wala naman silang kalaban pati pamilya niya, wala [ring] kalaban,” sabi ni Villasis Police Chief Police Major Glenn Dulay.

Hustiya ang hiling ng mga kaibigan at kaanak ng biktima.

“Bigla na lang siyang binaril. Hindi man lang nila tinitignan kung ano ang binabaril, bata o matanda. Tingnan nyo naman 'yung anak ko, batang-bata pa,” ayon sa ginang.

“Kung sino man ang pumatay sa kapatid ko, sumuko ka na please. Ayaw namin ng ganito. Kawawa naman ang kapatid ko, walang kaalam-alam,” panawagan ni Necaella, kapatid ni Charles.-- FRJ, GMA Integrated News