Arestado ang isang lalaki matapos niyang takutin at pagbantaan umano ang kaniyang dating karelasyon na ikakalat niya ang mga pribado nilang larawan at video kung hindi makikipagbalikan sa kaniya sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing dinakip ng Anti-Cybercrime Unit ng Cagayan de Oro City Police ang 39-anyos na suspek, matapos mag-report ng biktima.

Sa ikinasang entrapment operation, nabawi sa suspek ang cellphone na may mga laman ng mga maseselang larawan at video ng dating karelasyon.

Sinampahan na ng patung-patong na kaso ang suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News