Patay ang isang abogada matapos siyang pagbabarilin sa kaniyang sasakyan habang nakaparada sa tapat ng kaniyang bahay sa Abra nitong Huwebes ng hapon.

Sa ulat ng GMA News "Saksi," kinilala ang biktima na si Atty. Maria Saniata Alzate, na isinugod sa ospital pero binawian din ng buhay.

Nakatakas naman ang dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Patuloy ang imbestigasyon ng Abra Provincial Police Office upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen.

Ito umano ang unang insidente ng pamamaril sa Abra mula nang ipatupad ang Election Gun Ban kaugnay ng gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.— FRJ, GMA Integrated News