Isang estudyante ang nasawi, at nasa 20 iba pa ang sugatan nang mawalan umano ng preno at tumagilid sa kalsada ang isang jeepney sa Zamboanga del Norte.
Sa ulat ni Krissa Dapitan ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na nasa ibabaw ng jeep ang 16-anyos na nasawing estudyante nang mangyari ang insidente sa pababang bahagi ng kalsada sa Barangay Paniran sa bayan ng Sibuco.
Nawalan umano ng preno ang jeepney kaya hindi na nakontrol ng driver na kinilalang si Larry Uray, 59-anyos.
“Pababa siya. Siguro overloaded kasi ang pasahero puro estudyante, apat lang doon ang hindi. Ang iba, base sa nakakita nasa top load, ang iba, nakakabit dahil last trip na ‘yun kaya puno na talaga ang jeep,” ayon kay Sibuco Police Station chief Police Corporal Arnold Luyapn.
Hindi na umano magsasampa ng reklamo ang pamilya ng nasawing estudyante. Samantalang wala pang pahayag ang ibang nasaktan sa aksidente, ayon sa pulisya.
“In-interview ko ang pamilya ng biktima, hindi na daw nila kakasuhan basta ang gusto nila tulungan sila sa gastos sa ospital. Nangako naman ang asosasyon ng jeep na sila ang magso-shoulder ng gastusin sa ospital,” sabi ni Luyapn.
Umaasa naman si Uray sa mabilis na paggaling ng mga nasugatan at nasaktan.
“Sana gumaling na sila para makapag-aral na sila ulit. Pasalamat ako sa kanila dahil naiintindihan nila na aksidente lang iyon, hindi yon sinasadya,” saad niya. —FRJ, GMA Integrated News