Hindi na nakauwi nang buhay ang isang lalaki na bibili lang sana ng sigarilyo matapos siyang mahagip ng dalawang sasakyan sa Bugallon, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Magno Manlincon, 53-anyos, residente ng Barangay Salasa.

Sa kuha ng CCTV camera sa lugar, makikita na tumatawid ang biktima at halos nasa kalahati na ng kalsada nang masalpok siya ng truck.

Isang sasakyan pa umano na nasa kabilang bahagi ng kalsada ang nakatama pa sa biktima.

Hindi na siya umabot nang buhay sa ospital.

Ayon sa anak  ng biktima na si Hannah, bibili lang sana ng sigarilyo ang kaniyang ama sa malapit na tindahan.

"Pinauna niya na ako sa bahay para maghain ng pagkain. Matagal siyang hindi nakabalik," pahayag ni Hannah.

Hindi nagtagal, may nagpunta sa kanilang bahay para ipaalam ang nangyari sa kaniyang ama.

Nasa kostudiya naman ng pulisya ang driver ng truck, na sinisikap pang makuhanan ng pahayag ng Regional TV One North Central Luzon.

"Hindi naman siya tumakbo. Pagkabangga niya, tumigil naman siya. Noong nirespondehan, hinold na namin yung tao," ayon kay Police Corporal Jaime Datuin, Duty Officer, Bugallon Police Station.

Samantala sa Batac City, Ilocos Norte, dalawa ang nasawi at tatlo ang nasugatan nang magsalpukan ang isang garong at isang bus.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi na sina Jonathan Parbo at Jomar Castillo.

Ayon sa pulisya, galing sa lamay ang mga biktima na sakay ng garong. Nag-overtake umano ito pero sakto na paparating ang nakasalubong na bus.

Nagkaroon na umano ng kasunduan ang mga sangkot sa aksidente. -- FRJ, GMA Integrated News