Napaatras at napatakbo para humingi ng tulong ang isang babae nang makakita siya ng ahas sa loob ng banyo ng kanilang bahay sa Binmaley, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, sinabing maliligo sana ang babae sa banyo ng kanilang bahay sa Barangay Sta. Rosa nang mabulaga siya sa ahas na halos dalawang metro ang haba.

Kaagad na humingi ng tulong ang babae at dumating naman ang kaniyang kamag-anak para hulihin sana ng buhay ang ahas.

Ngunit masyado umanong agresibo ang ahas kaya napatay nila ito.

Hindi binanggit sa ulat kung anong uri ang ahas, at hindi pa malinaw kung papaano ito napunta sa banyo.

Samantala, isang mangingisda naman sa Bolinao, Pangasinan ang tinulungan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council matapos umanong atakihin ng pating sa laot.

Nagtamo ng malaking sugat sa kaliwang binti ang mangingisda.

Nilinaw naman ng Bolinao MDRRMC na hindi sakop ng bayan ang bahagi ng dagat kung saan nangyari ang insidente. --FRJ, GMA Integrated News