Hinahanap ngayon ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na nangholdap sa isang convenience store sa Tagbilaran City, City noong nakaraang linggo.

Sa ulat ng GMA Regional TV Live nitong Miyerkules, sinabing inilabas ng Tagbilaran City Police Station ang kopya ng CCTV footage sa nangyaring holdapan at larawan ng mga suspek.

Sa video, makikita na dumating ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo at nagpanggap na kostumer bago tinutukan ng baril ang empleyado ng tindahan.

Tinangay ng dalawa ang kita sa tindahan at may binitbit pang malaking kahon.

Nag-alok ng pabuya ang pulisya sa sino mang makapagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa dalawang suspek para madakip ang mga ito.

Maaaring tumawag sa Tagbilaran City Police Station 0998-967-3900, o bisitahin ang kanilang Facebook page. --FRJ, GMA Integrated News