Patay matapos barilin nang malapitan ang isang 20-anyos na estudyante habang tumatawid kasabay ng iba pang tao sa Isabela City, Basilan.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Allami Jumaat, estudyante ng Alternative Learning System (ALS).

Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Doña Ramona, makikita na sinundan ng salarin ang biktima at saka malapitang binaril mula sa likuran.

Napalingon pa ang biktima bago natumba sa kalsada. Mabilis namang tumakas ang salarin.

“Naglalakad yung biktima. Bale, sinundan siya ng gunman, based sa CCTV, bale sinusundan kasi siya hanggang down sa may crossing,” ayon kay Isabela City Police Station Investigator, Staff Sergeant Gaber Ussih.

Isa naman ang nasugatan at dinala sa ospital matapos na tamaan ng ligaw na bala sa noo.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen pero may person of interest na umano sila na kanila nang hinahanap.--FRJ, GMA Integrated News