Patay ang isang 53-anyos na lalaki matapos na masagasaan siya ng ilang beses ng mga sasakyan sa Umingan, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Atong Maure, residente ng Barangay Caurdanetaan.

Nakuhanan sa CCTV camera ang umano'y pagkakasagasa ng apat na sasakyan sa biktima, kabilang ang dalawang motorsiklo.

Dead on the spot si Maure na nagtamo ng matinding sugat sa ulo.

Ayon kay Rachel Viernes, pamangkin ng biktima, ilang sasakyan pa umano ang nakita sa CCTV na dumaan matapos na masagasaan ang kaniyang tiyuhin.

"Yung mukha ng uncle namin medyo napitpit," saad niya.

Ayon sa pulisya, posibleng inatake ng epilepsy ang biktima habang naglalakad sa kalsada.

Patuloy pa ang kanilang imbestigasyon para malaman kung ano ang sasakyan na unang nakasagasa sa biktima.

Nanawagan naman ang mga kaanak ng biktima sa mga driver na nakasagasa sa biktima na sumuko.

"Gusto lang namin na harapin nila ang kanilang obligasyon para magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng uncle ko," ayon kay Viernes. -- FRJ, GMA Integrated News