Nagwakas ang buhay ng isang babae sa kamay ng isang lalaki na basta na lang siya sinaksak sa batok habang naglalakad sa gilid ng kalsada sa Dumaguete City.
Sa ulat ni Mark Regie Abella sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera na naglalakad ang biktimang si Ginalyn Ortega, na may bitbit na plastic sa magkabilang kamay sa panulukan ng Lacson at Real Streets sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Sa likod niya, nakasunod ang suspek na nakilala kinalaunan na si Michael Katada, na isang barker at kilala umanong sumisinghot ng "solvent" sa lugar.
Maya-maya lang, inundayan na niya ng isang matinding saksak sa batok ang biktima.
Napalingon pa ang biktima sa suspek at nakatakbo palayo ng ilang metro bago siya napaluhod at tuluyang natumba dahil sa tinamong saksak.
Ang suspek, pasimpleng naglakad palayo na tila walang nangyari.
Isinakay sa tricycle ang biktima para dalhin sa ospital pero binawain din ang biktima.
Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya at sa tulong ng kuha ng CCTV, nakilala ang suspek at nadakip.
Ayon sa suspek, hindi raw siya binigyan ng pera ng biktima at gutom siya kaya niya nagawa ang krimen.
Napag-alaman sa mga awtoridad na dati nang naaresto si Takada dahil sa pagnanakaw pero walang natutuloy na nagsasampa ng kaso.
Mahaharap si Katada sa reklamong murder dahil sa pagkamatay ni Ortega. --FRJ, GMA Integrated News