Nasawi ang isang punong barangay sa Taal, Batangas na plano sanang tumakbong muli sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections matapos siyang pagbabarilin sa tapat ng barangay hall.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang pagtigil ng motorsiklo na may sakay na dalawang tao sa tapat ng barangay hall ng Barangay Poblacion, Zone 10.
Kasunod na nito ang pagpapaputok ng baril ng nakaangkas at tinarget na pala ang biktima na si chairman Erasmo Hernandez, na nakaupo noon sa parking lot sa tapat ng barangay hall.
Ayon kay barangay kagawad Jonar Hernandez, anim na tama ng bala ang tinamo ni Erasmo. Kasama rito ang tama sa leeg na tumagos sa ulo na sanhi ng agarang pagkapatay ng biktima.
Ayon kay Police Major Fernando Fernando, hepe ng Taal Police Station, iniimbestigahan nila ang lahat ng posibleng motibo sa krimen.
Inihayag naman ng mga kaanak at katrabaho ng biktima na wala silang alam na kaaway ng kanilang punong barangay at wala rin itong nababanggit na banta sa buhay.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang dalawang salarin. --FRJ, GMA Integrated News