Nakalambitin sa labas at papatakas na sana ang tatlong suspek sa nanloob sa isang tindahan sa Pampanga nang abutan sila ng mga awtoridad.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa isang convenience store sa Barangay Fortuna sa Floridablanca, Pampanga.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng tawag sa emergency hotline nang mamonitor ng pamunuan ng tindahan ang nangyaring panloloob.

Nang puntahan ng mga pulis ang tindaan, papatakas na sana ang tatlong suspek na dumaan mula sa bubungan nang abutan sila ng mga awtoridad.

Kabilang sa mga nakuha sa mga suspek ang isang baril, limang sachet na hinihinalang may lamang shabu, mahabang lubid, at pera mula sa tindahan na mahigit P69,000.

Sasampahan ng kaukulang reklamo ang mga suspek. --FRJ, GMA Integrated News