Arestado ang isang tauhan ng gobyerno at dalawa niyang parokyano matapos mabisto ng mga awtoridad ang bentahan umano ng droga sa isang motel sa Surigao City.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa surveillance video ng Philippine Drug Enforcement Agency Region XIII ang pagbebenta at paggamit ng shabu umano ng target na si Joel Navarrete, isang government employee.
Sinabi ng PDEA na sa loob ng mga motel ginagawa ang bentahan.
Nadakip si Navarrete at kaniyang dalawang parokyano umano sa isinagawang buy-bust operation, at nakumpiska sa kanila ang apat na sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.
Natuklasan ng PDEA na nagtatrabaho sa isang government health center ang salarin.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng dinakip na suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News