Ikinasal ang 17 pares ng magkasintahan sa Oton, Iloilo sa kabila ng matinding pagbaha doon, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles.
Ilan sa mga magkasintahan ay sumakay ng tricycle para suungin ang baha.
"Grabe! Okay lang kahit binabaha basta matuloy ang kasal at na-bless kami ng simbahan," ani Geovanni Valle, isa sa mga ikinasal.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO ), binaha ang nasa 20 barangay sa bayan, dahilan para ilikas ang mahigit 2,000 na residente.
Naging perwisyo naman sa mga motorista ang mga binahang kalsada.
"Bumara ang labasan ng ating tubig. Alam natin na ang baha sa Oton ay depende kapag high tide o low tide," ani Malvin Nad, pinuno ng MDRRMO sa Oton. —KBK, GMA Integrated News