Patay ang isang babaeng guro sa Surigao City, habang sugatan ang dalawa niyang menor de edad na anak matapos umano silang pagsasaksakin ng lalaking pansamantala nilang pinatuloy sa kanilang bahay.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa "At Home with GMA Regional TV" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Clarence Sulima, 37-anyos, residente ng Barangay Washington.

Ayon sa pulisya, dinatnan na wala nang buhay at duguan si Sulima sa kaniyang bahay at may sugat sa leeg noong Huwebes.

Nagtamo rin ng sugat sa leeg ang dalawa niyang anak na edad lima at siyam, na nagawang makalabas ng bahay kahit duguan upang humingi ng tulong.

Nakatakas ang suspek na si Joseph Guimare, 27-anyos, pero kinalaunan ay sumuko rin sa mga awtoridad sa munisipyo ng Dapa.

Pagnanakaw ang nakikitang motibo sa krimen matapos makuha sa suspek ang ilang gamit ng biktima na pumayag na kupkupin siya.

"Sumala pa didto sa imbestigasyon ug sa nakita sa maong area sa biktima, adunay samad nilaslas sa may parteng bahin sa liog. Ang iyang katuyuan lang gyud is kuwarta kay wala gyud siyaý kuwarta," ayon kay Police Leiutenant Colonel Diomedes Cuadra Jr., hepe ng Surigao City Police Station.

Sasampahan ng reklamong murder at two counts of frustrated murder ang suspek. --FRJ, GMA Integrated News