Isinama sa himpilan ng pulisya ang 29-anyos na kapitbahay ng 17-anyos na babaeng senior high school student na nakitang patay at hinihinalang ginahasa sa Toledo City, Cebu.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, sinabing itinuturing 'person of interest' ng mga awtoridad ang naturang lalaki, na hindi pa nagbibigay ng pahayag.

Sinasabing may nakakita sa naturang lalaki sa lugar kung saan nakita ang bangkay ng biktimang si Sharmaine Flores.

Kaninang umaga nakita ang katawan ni Flores sa bakanteng lote na nakababa ang pang-ibabang saplot.

Ilang metro lang ang layo nito sa kanilang bahay.

May nakitang mga sugat sa leeg ng biktima, ayon sa pulisya.

Ikinuwento ng pamilya ni Flores, na lumabas ng bahay lang ng bahay nitong Huwebes ng gabi ang biktima para magpa-load sa cellphone, pero hindi na siya nakauwi ng bahay.

Kinumpirma naman ng tumatao sa tindahan na nagpa-load sa kanila ang biktima. Hinihinalang inabangan ng salarin si Flores nang pabalik na ito ng bahay.

Napag-alaman na working student si Flores na nais makapagtapos ng pag-aaral para matulungan ang kaniyang ina na single mom.

Hinikayat ni Police Leiutenant Colonel Manny Salvatiera, hepe ng Toledo City Police Station, ang may nalalaman sa krimen na makipag-ugnayan sa kanila para mabigyan ng hustisya ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. --FRJ, GMA Integrated News