Pinatay at hinihinalang ginahasa ang isang 17-anyos na babaeng senior high school student sa Toledo City, Cebu.

Sa ulat na naka-post sa Facebook ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Sharmaine Flores, 17-anyos, residente ng Barangay Bunga.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, dumating mula sa paaralan si Flores at nagpalit ng damit na pambahay para lumabas at magpa-load sa cellphone nitong Huwebes ng gabi.

Pero hindi na nakauwi ang biktima hanggang sa makita ang kaniyang bangkay kaninang umaga sa bakanteng lote sa Purok 2, Barangay Bunga.

Nakababa umano ang salpot na pang-ibaba ng biktima nang matagpuan ang katawan nito.

Tumatangis na nanawagan ang ina ni Flores na si Anna Maria, na sumuko na sana ang pumatay sa kaniyang anak.

Hindi rin naiwasan ng ginang na magpahayag ng sama ng loob sa kaibigan ng kaniyang anak na pina-loadan ng biktima.

“Dili man to iyahang number iyang gi-loadan. Sa iyaha man tong amiga. Gisugo na siya sa iyang amiga mao nang milakaw,” saan ng ginang.

Ayon kay Anna Maria, plano ng kaniyang anak na mag-nursing sa kolehiyo at maging isang duktor.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy at mahuli ang salarin. --FRJ, GMA Integrated News