Nasawi ang isang motorcycle rider matapos sumabit ang kaniyang leeg sa nakalaylay na kable at sumemplang sa kalye sa Virac, Catanduanes.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Jessievic Pereyra, na pauwi na nang mangyari ang aksidente.

Posibleng hindi nakita ni Pereyra ang itim na kable dahil madilim na.

Sunod nito, isang motorsiklo rin na kasunod ni Pereyra ang bumangga sa kaniya.

Dinala ang mga biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival si Pereyra, samantalang sugatan ang kasunod na rider na si Francis Chavez.

Sinabi ng attending physician na malalim na sugat sa leeg na nagdulot ng labis na pagdurugo ang ikinamatay ng biktima.

Tinungo ng kumpanyang may-ari ng kable ang pinangyarihan ng aksidente.

Wala pang opisyal na pahayag ang kumpanya.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News