Walang saplot at patay na nang matagpuan ang 22-anyos na babae na ilang araw nang nawawala sa isang bukid sa Mariveles, Bataan.

Sa ulat ni Jerick Pasiliao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Vaillerie San Pedro, na huling nakitang buhay noong Agosto 19.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joelito Orias, hepe ng Mariveles Police Station, nadiskubre ang bangkay ni San Pedro sa bukid sa Barangay Camaya nang may hanapin ng kapatid ng live-in partner ng biktima kung saan nanggagaling ang masangsang na amoy.

Walang saplot nang makita ang biktima at nagsisimula nang maagnas.

Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima.

Nananawagan ng hustisya ang mga magulang ng biktima.

Ayon sa pulisya, mayroon na silang person of interest sa krimen batay sa impormasyon mula sa mga saksi. --FRJ, GMA Integrated News