Patay sa pananaksak ang isang lalaki habang nakaupo sa gilid ng kalsada sa Mandaue City. Ang suspek, anak ng dati umanong sinaksak naman ng biktima.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng Balitang Bisdak sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Roger Perez, 49-anyos, ng Barangay Mantuyong.

Sa kuha ng CCTV camera ng barangay noong Lunes, makikita ang biktima at ang suspek na si Jefrrey Demape Tan, 31-anyos, na nakaupo sa magkabilang lamesa sa gilid ng daan.

Hindi nagtagal, tumayo ang suspek at lumapit sa nakaupong biktima na kaniyang inundayan ng saksak.

Nakagawa pa ng biktima na makatayo at makalakad ng ilang metro bago natumba at tuluyang namatay.

Nakatakas naman si Tan pero nahuli rin ng mga awtoridad sa follow-up operation.

Ayon sa pulisya, paghihiganti ang lumalabas na motibo sa krimen dahil ang biktima umano ang itinuturong sumaksak naman sa ama ng suspek ilang taon na ang nakararaan.

Sinabi rin ng pinsan ng suspek na hindi umano nawala sa isipan ni Jeffrey ang makaganti sa biktima.

Dating magkapitbahay ang dalawa pero lumipat ng lugar ang suspek nang masunog ang bahay nito.

Hindi na nagpaunlak ng panayam ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso.--FRJ, GMA Integrated News