Arestado ang isang lalaki sa Bataan dahil sa pagbebenta umano ng karne ng aso, ayon sa eksklusibong ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Kasama ang mga tauhan ng Animal Kingdom Foundation (AKF), ni-raid ng Criminal Investigation and Detection Group sa Bataan ang isang bahay sa Limay.
Pagpasok sa nasabing bahay, bumungad sa raiding team ang kalunos-lunos na sitwasyon ng pitong asong sama-samang nakakulong sa isang kulungan.
Naka-alambre ang nguso ng ibang aso habang ang ilan naman ay umiiyak na tila humihingi ng tulong.
Ayon sa AKF, ibebenta sana ang mga aso para katayin.
"May nag-report sa amin na may ongoing dog meat trading activity diyan sa Bataan, so we sought for more details and naituro nga sa amin itong lugar na ito, at nag-conduct kami ng verification at apparently meron nga na activities na nangyayari diyan involving dog meat trading, dog meat selling," ani Atty. Heidi Caguioa, program director ng AKF.
Depende daw sa order kung ilang aso ang huhulihin at kakarnihin bago ito ibenta. Hindi naman malinaw kung binibili ang mga aso o basta na lang hinuhuli sa kalsada.
Kinalala naman ang inarestong dog meat trader na si Anthony Bueno, na hindi nagbigay ng pahayag. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act.
Ayon sa AKF, bukod sa mga nagbebenta ay target nilang mahuli ang mga bumibili ng aso para katayin. Kutob nila, iisa lang ang parokyano ng mga nagbebenta sa Central Luzon.
"That is really our target, 'yung namimili kasi pag nakuha natin 'yan malalaman natin kung saan dadalhin 'yan, kung sinu-sino sila," ani Caguioa. —KBK, GMA Integrated News