Nasawi ang isang 46-anyos na ginang matapos umanong sakalin at gulpihin ng live-in partner nito sa Taal, Batangas. Bago maganap ang krimen, dumating na sa lugar ang kanilang anak para sunduin sana ang kaniyang ina at mailayo sa suspek na nagbanta umanong sasaktan ang biktima.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV News nitong Martes, madidinig sa ipinadalang video ng 24-anyos na si Joanna Vergara, ang pag-iyak ng kaniyang ina at biktimang si Maria Teresa, habang kinokompronta ng suspek at kaniyang ama na si Jason.
May kabitbahay na nakakita sa pag-aaway ng mag-asawa pero hindi sila nakialam sa pag-aakalang normal na away lang iyon ng mag-asawa.
Pero ayon kay Joanna, nang mahila ng kaniyang ama ang kaniyang ina sa labas ng compound, doon na nangyari ang pananakit ng suspek sa biktima.
"Nagpupumiglas yung mama ko, hindi na siya binitawan, pilit siyang hinahatak. Napabalikwas yung mama ko naano (nadapa) sa sahig. Tinamaan sa mga paso na matitigas at noong pagkahiga niya doon na siya sinampahan ng papa ko. Sinimulan pong sakalin siya, sinimulan niyang iuntog- untog yung ulo at sinapaksapak yung ulo," ayon kay Joanna.
Sinabi ni Joanna na susunduin na sana niya ang kaniyang ina dahil umaga pa lang noong Biyernes ay pinagbabantaan na raw ng suspek ang biktima na sasaktan kapag umalis ng bahay.
Nang nangyari na ang pananakit ng suspek sa biktima, sinubukan na raw ng ilang kapitbahay na umawat, at humingi na rin sila ng tulong sa barangay at mga pulis.
Naisugod pa sa ospital ang ginang pero binawian din ng buhay.
Ayon kay Police Major Fernando Fernando, hepe ng Taal Police Station, ikinagalit umano ng naarestong suspek ang pag-alis umano ng biktima nang hindi nagpapaalam.
"Kine-claim din po ng ating suspek na mayroon daw siyang kondisyon na mental, yung po yung sinasabi niya na subject for validation and examination," sabi pa ni Fernando.
Pero ayon kay Joanna, lango umano sa ilegal na droga ang kaniyang ama, na isinailalim na sa drug test.
Napag-alaman naman ng pulisya na may iba pang kaso na kinakaharap ang suspek, kabilang dito ang pananakit at pagpatay sa Rizal.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang nakakulong na suspek, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News