Sugatan ang tatlong miyembro ng pamilya nang sumalpok ang sinasakyan nilang AUV sa isang delivery truck sa Tiaong, Quezon. Ang isang biktima, tumilapon palabas ng sasakyan mula sa windshield.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Lumingon.

Sa lakas ng banggaan, lumabas mula sa windshield ang isang biktima. Wasak din ang unahan ng AUV.

Sugatan ang driver ng AUV na si Randy Noblesa, ang kaniyang misis, at ang kaniyang ama na si Edgardo.

"Yung dalawang lalaki po natin ngayon ay stable na, at yung isang babae po natin medyo critical. Accordingly ay nagkaroon ng internal hemorrhage sa kaniyang ulo," ayon kay Police Major Arnold Conciso, deputy chief of police, Tiaong Police Station.

Batay sa ulat ng pulisya, lumalabas na sinakop umano ng AUV ang linya ng kasalubong na truck kaya nangyari ang salpukan.

Ayon kay Conciso, sinabi umano ni Randy na driver ng AUV na naidlip siya habang nagmamaneho.

Nagkaroon na umano ng pag-uusap ang makabilang panig.

Samantala, sinusubukan pang makipag-ugnayan ng Balitang Southern Tagalog sa mga nasangkot sa insidente para mahingan ng kanilang pahayag, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News